Skip to main content

Human rights for tenants (brochure)

Ang pabahay ay isang karapatang pantao

Sinasabi ng pang-internasyunal na batas na ang mga tao sa Canada ay nararapat na makakuha ng mabuting pabahay na kanilang makakayanan. Upang makamit ito sa Ontario, ang mga nangungupahan at mga kasero (o mga tagapagbigay ng pabahay) ay may mga karapatan at mga tungkulin sa ilalim ng Alitunutnin ng mga Karapatang Pantao (Human Rights Code).

Bilang isang nangungupahan, may karapatan ka sa pantay na pagtatrato sa pabahay nang walang diskriminasyon at panliligalig.

Ikaw ay hindi maaring tanggihan ng isang apartment, ligaligin ng isang tagapagbigay ng pabahay o iba pang mga nangungupahan, o kaya ay tratuhin ng hindi makatarungan dahil sa iyong:

  • lahi, kulay o etnikong pinagmulan
  • pangrelihiyong mga paniniwala at kaugalian  
  • lipi, kabilang na ang mga taong may Aborihinal na pinagmulan
  • lugar na pinanggalingan
  • pagkamamamayan, pati na ang estado ng “refugee” o takas
  • kasarian (pati na ang pagbubuntis at pagkakakilanlan ng kasarian)
  • estado ng pamilya
  • estado ng pagkakasal, pati na ang mga taong may kaparehong-kasarian na kinakasama
  • kapansanan
  • oryentasyong sekswal
  • edad, kabilang na ang mga taong 16 o 17 walong gulang at hindi na nakatirang kasama ng kanilang mga magulang
  • tumatanggap ng pangmadlang tulong.

Ikaw rin ay protektado kung ikaw ay nahaharap sa diskriminasyon dahil ikaw ay isang kaibigan o kamag-anak ng isang taong nakilala sa itaas.

Saan naaangkop ang mga karapatan sa pabahay?

Naaangkop ang Alituntunin (Code) sa bawat bahagi ng pagbili o pagpapaupa ng pabahay. Kapag nagpapaupa ng isang lugar na tirahan, sumasaklaw ang Alituntunin (Code) sa:

  • pag-a-apply para umupa ng isang yunit
  • mga patakaran at mga regulasyon
  • mga pagkukumpuni at pagpapanatili
  • paggamit ng kaugnay na mga serbisyo at mga pasilidad
  • iyong pangkalahatang pagkalugod sa lugar na iyong inuupahan
  • mga pagpapalayas

Pamimili ng mga nangungupahan

Sinasabi ng Alituntunin (Code) kung ano ang mga maaring itanong ng mga kasero kapag namimili ng mga nangungupahan:

  • Kasaysayan ng pangungupahan, mga reperensiyang pangkredito at/o ang mga pagsisiyasat ng kredito ay maaring hilingin.
  • Isang pagkukulang sa kasaysayan ng pangungupahan o kredito ay hindi dapat na ibilang laban sa iyo.
  • Ang isang kasero ay maaring magtanong sa iyo ng tungkol sa iyong kita, ngunit kailangan rin nilang tingnan ang anumang magagamit na impormasyon tungkol sa iyong kasaysayan ng pangungupahan, mga reperensiyang pangkredito at ang antas ng kredito (katulad ng sa pamamagitan ng Equifax Canada).
  • Ang impormasyon tungkol sa kita ay maari lamang isaalang-alang na mag-isa kung wala ng ibang impormasyon na magagamit, at upang makasiguro lamang na ikaw ay may sapat na kinikita upang makabayad ng upa.
  • Maliban lamang kung ikaw ay nag-a-apply para sa “subsidized” na pabahay, hindi ligal para sa mga kasero na i-apply ang isang upa-sa-kita na panumbasan (rent-to-income ratio) na katulad ng isang “30% cut-off rule” (na nangangahulugan na isinasaalang-alang lamang ang mga tao kung ang upa ay mas mababa ng 30% sa kanilang kita).
  • Ang mga kasero ay maari lamang manghingi sa iyo ng isang “tagapanagot” o “guarantor” (isang taong nangangakong magbayad ng iyong upa kung hindi ka makabayad) na pumirma ng kasunduan ng pag-upa kung nanghihingi sila ng katulad nito sa lahat ng mga nangungupahan.

Kung kailangan mo ng kaluwagan (accommodation) para sa isang kapansanan o espesyal na pangangailangan

Kung ikaw ay may mga lehitimong pangangailangan, batay sa mga dahilan ng Alituntunin (Code) (katulad ng kapansanan o estado ng pamilya), ang mga kasero ay may isang legal na katungkulan na magbigay ng kaluwagan upang matugunan ang mga espesyal na pangangailangan na maaring mayroon ka. Kailangan nilang magbigay ng kaluwagan hanggang sa punto na hindi labis na ipaghihirap, batay sa halaga, mga pondong makukuha sa labas o mga alalahaning pangkalusugan at pangkaligtasan.

Ikaw at ang iyong kasero ay magkasama sa responsibilidad na mapagana ang kaluwagan (accommodation). Kailangan ninyong magkasamang magtrabaho upang malutas ang mga problema at magbigay ng anumang impormasyon na maaring kailanganin ng isang kasero para magawa ang kaluwagan (accommodation). Kailangang panatilihing pribado ng iyong kasero ang anumang impormasyong pangmedikal o iba pang pampersonal na impormasyon na iyong ibibigay.

Kung ikaw ay may isang kapansanan, halimbawa, maaring kailanganing gumawa ang iyong kasero ng ilang mga pagbabago sa mga yunit, sa pasukan ng gusali, sa mga bangketa o mga lugar ng paradahan upang matulungan ka.

Ang ilang mga nangungupahan ay nangangailangan ng mga pagbabago sa mga patakaran at mga kagawian upang makapagbigay kaluwagan sa nagbabagong mga kalagayan ng pamilya o mga kaugaliang pangrelihiyon. Minsan ang isang nangungupahan na may diperensiya o nanggugulo sa iba (dahilan sa isang kapansanan o dahil sa siya mismo ay nagiging target ng diskriminasyon) ay maaring mangailangan ng tulong. Kailangang suriin ng mga kasero ang kanilang ginagampanan upang makita kung mayroon silang mga bagay na magagawa upang makatulong sa sitwasyon.

Ang mga kasero ay kinakailangang makipagtulungan sa iyo upang malaman at mailagay sa lugar ang pinakaangkop na kaluwagan (accommodation) sa lalong madaling panahon.

Kapag ang pangangailangan mo ay nakakaapekto sa ibang mga tao

Kung minsan ang iyong mga pangangailangan o pag-asal ay maaring makaapekto sa ibang mga tao. Kailangang balansehin at pangasiwaan ng mga kasero at ng mga tagapagbigay ng pabahay ang mga tunay na alalahanin ng lahat ng mga nangungupahan. Kahit na nakakagulo ang pag-asal ng isang nangungupahan (halimbawa, ang ingay na kaugnay sa mga bata na protektado sa ilalim ng estado ng pamilya), ang isang kasero ay inaasahang gumawa ng mga hakbang upang tingnan kung maaring malutas ang sitwasyon.

Kailan hindi naaangkop ang Alituntunin

Ang Alintuntunin  ay hindi naaangkop kung ikaw ay may isang “personality conflict” o hindi pagkakasundo sa personalidad sa iyong kasero o iba pang nangungupahan na hindi kaugnay sa Alituntunin. Gayundin, ang Alituntunin  ay hindi naaangkop kung ikaw ay nakikipagsosyo ng kubeta o kusina sa may-ari o sa pamilya ng may-ari.

Para sa karagdagang impormasyon

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga karapatan at mga tungkulin ng kasero at nangungupahan sa pinauupahang pabahay, tingnan ang Polisa sa mga Karapatang Pantao at Pinauupahang Pabahay (Policy on Human Rights and Rental Housing) ng  Komisyon ng mga Karapatang Pantao ng Ontario  (Ontario Human Rights Commission). Ang polisang ito at iba pang impormasyon ng OHRC ay makikita on-line sa: www.ohrc.on.ca

Para gumawa ng isang reklamong nauukol sa mga karapatang pantao

Para magharap ng isang reklamong nauukol sa mga karapatang pantao (tinatawag na isang Aplikasyon), kontakin ang Hukuman ng mga Karapatang Pantao ng Ontario (Human Rights Tribunal of Ontario) sa:
Libreng Tawag: 1-866-598-0322
TTY: 416-326-2027 o Libreng Tawag: 1-866-607-1240
Website: www.hrto.ca

Para magtanong ng tungkol sa iyong mga karapatan o kung nangangailangan ka ng legal na tulong para sa isang reklamong nauukol sa mga karapatang pantao, kontakin ang Sentro ng Suportang Panglegal para sa mga Karapatang Pantao (Human Rights Legal Support Centre) sa:
Libreng Tawag: 1-866-625-5179
TTY: 416-314-6651 o Libreng Tawag: 1-866-612-8627
Website: www.hrlsc.on.ca

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga karapatang pantao sa pinauupahang pabahay, tingnan ang website ng Komisyon ng mga Karapatang Pantao ng Ontario (Ontario Human Rights Commission’s) sa:www.ohrc.on.ca

ISBN/ISSN
PRINT: 978­-1-­4435-­7472-­3 | HTML: 978­-1-­4435-­7473-­0 | PDF: 978­-1-­4435­-7474­-7
Attachments

File name File size Actions
Human rights for TENANTS_Tagalog_accessible.pdf 360.85 KB Download
Attachments