Ang pabahay ay isang karapatang pantao
Sinasabi ng pang-internasyunal na batas na ang mga tao sa Canada ay nararapat na makakuha ng mabuting pabahay na kanilang makakayanan. Upang makamit ito sa Ontario, ang mga nangungupahan at mga kasero (o mga tagapagbigay ng pabahay) ay may mga karapatan at mga tungkulin sa ilalim ng Alitunutnin ng mga Karapatang Pantao (Human Rights Code).
Sa ilalim ng Alituntunin, ang lahat ay may karapatan sa pantay na pagtatrato sa pabahay na walang diskriminasyon at panliligalig. Bilang isang kasero, ikaw ay may katungkulan sa pagsisiguro na ang pabahay na iyong pinamamahalaan ay libre sa diskriminasyon at panliligalig.
Ang mga tao ay hindi maaring pagkaitan ng isang apartment, abalahin ng isang kasero o ng ibang mga nangungupahan, o kaya ay tratuhin ng hindi makatarungan dahil sa kanilang:
- lahi, kulay o etnikong pinagmulan
- pangrelihiyong mga paniniwala at kaugalian
- lipi, kabilang na ang mga taong may Aborihinal na pinagmulan
- lugar na pinanggalingan
- pagkamamamayan, pati na ang estado ng “refugee” o takas
- kasarian (pati na ang pagbubuntis at pagkakakilanlan ng kasarian)
- estado ng pamilya
- estado ng pagkakasal, pati na ang mga taong may kaparehong-kasarian na kinakasama
- kapansanan
- oryentasyong sekswal
- edad, kabilang na ang mga taong 16 o 17 walong gulang at hindi na nakatirang kasama ng kanilang mga magulang
- tumatanggap ng pangmadlang tulong.
Ang mga tao ay protektado kung sila ay nahaharap sa diskriminasyon dahil sa pagiging isang kaibigan o kamag-anak ng isang taong nakilala sa itaas.
Saan naaangkop ang mga karapatan sa pabahay?
Ang karapatan sa pantay na pagtatrato nang walang diskriminasyon ay naaangkop kapag nagpapaupa o bumibili ng isang yunit (halimbawa, sa isang mataas na gusaling apartment, kondo, ko-op o bahay). Ang karapatang ito ay naaangkop rin sa pagpili o pagpapalayas ng mga nangungupahan, mga patakaran at mga regulasyon ng isang pabahay, mga pagkukumpuni, sa paggamit ng kaugnay na mga serbisyo at mga pasilidad, at sa pangkalahatang pagkalugod sa lugar.
Bilang isang kasero o tagapagbigay ng pabahay, ikaw ay isa sa mga taong may katungkulan para sa pagsisiguro na ang mga karapatang pantao ng mga nangungupahan ay iginagalang. Ang mga mambabatas sa pamahalaan, mga tagagawa ng polisa, mga tagapagplano at mga tagadisenyo ng programa, mga hukuman at mga korte ay kinakailangan ring magsiguro na ang kanilang mga aktibidad, mga estratehiya at mga desisyon ay tumutugon sa mga isyu ng diskriminasyon sa pabahay.
Pamimili ng mga nangungupahan
Ang Alituntunin ay nagsasabi ng kung anong mga praktis sa negosyo ang katanggap-tanggap at kung anong impormasyon ang maari mong itanong kapag namimili ka ng mga nangungupahan:
- Kasaysayan ng pangungupahan, mga reperensiyang pangkredito at/o ang mga pagsisiyasat ng kredito ay maaring hilingin. Ang kakulangan sa kasaysayan ng pangungupahan o kredito ay hindi dapat tingnan bilang negatibo.
- Maaari kang magtanong ng impormasyon tungkol sa kita, ngunit kailangan mo ring humingi at isaalang-alang ito na kasama ng anumang magagamit na impormasyon tungkol sa kasaysayan ng pangungupahan, mga reperensiyang pangkredito at mga pagsisiyasat sa kredito (katulad ng sa pamamagitan ng Equifax Canada).
- Maari mo lamang isaalang-alang ang impormasyon tungkol sa kita nang mag-isa kung wala nang iba pang impormasyon na magagamit.
- Maari mo lamang gamitin ang impormasyon tungkol sa kita para makumpirma na ang tao ay may sapat na kita para makabayad ng renta. Maliban lamang kung ikaw ay nagbibigay ng “subsidized” na pabahay, hindi legal na mag-apply ng isang upa-sa-kita na panumbasan (rent-to-income ratio ) na katulad ng isang “30% cut-off rule” (na nangangahulugan na isinasaalang-alang lamang ang mga tao kung ang upa ay mas mababa ng 30% sa kanilang kita).
Maari kang humingi ng isang “tagapanagot” (“guarantor”) para pumirma ng kasunduan sa pag-upa – pero lamang kapag pareho ang hinihingi sa lahat ng mga nangungupahan, hindi lamang para sa mga taong kinilala ng mga dahilan sa Alituntunin, na katulad ng mga bagong imigrante o mga taong tumatanggap ng pangmadlang tulong.
Pagbibigay ng kaluwagan sa mga pangangailangan ng nangungupahan
Ikaw ay may legal na katungkulan para magbigay ng kaluwagan sa mga nangungupahan (tugunan ang mga espesyal na pangangailangan na maaring mayroon sila) kung sila ay may tunay na mga pangangailangan, batay sa mga dahilan sa Alituntunin). Kailangan mong magbigay ng kaluwagan hanggang sa punto ng hindi labis na ipaghihirap, batay sa halaga, sa pagkakaroon ng panlabas na mga pinanggagalingan ng pagpopondo, o mga alalahaning pangkalusugan at pangkaligtasan.
Halimbawa, para sa isang nangungupahan na may isang kapansanan, maaring kailanganin mong gumawa ng mga pagbabago sa isang yunit, isang pasukan ng gusali, mga bangketa o mga lugar ng paradahan.
Ang ilang mga nangungupahan ay nangangailangan ng mga pagbabago sa mga patakaran at mga kagawian upang makapagbigay ng kaluwagan sa mga nagbabagong kalagayan ng pamilya o mga kaugaliang pangrelihiyon. Kung minsan ang isang nangungupahan na may diperensiya o nanggugulo sa iba (dahilan sa isang kapansanan o dahil sa siya mismo ay nagiging target ng diskriminasyon) ay maaring mangailangan ng tulong. Kailangan mong suriin ang iyong ginagampanan upang makita kung may mga bagay kang magagawa bilang isang kasero upang makatulong sa sitwasyon.
Ikaw at ang mga nangungupahan sa iyo ay magkatuwang sa responsibildad na mapagana ang kaluwagan (accommodation). Kailangan mong aktibong gampanan ang iyong papel sa proseso at makipagtrabaho sa mga nangungupahan nang may mabuting layunin upang makahanap ng pinakamahusay na solusyon. Kung ang isang nagungupahan ay magbigay sa iyo ng pangmedikal o iba pang personal na impormasyon, kinakailangan mo itong panatilihing pribado.
Ang mga kasero ay kailangang makipagtrabaho sa mga nangungupahan para makahanap at makapaglagay ng pinakaangkop na kaluwagan sa lalong madaling panahon. Kung ito ay hindi maaring magawa ng hindi magiging sanhi ng labis na ipaghihirap, o kung ito ay aabutin ng mahabang panahon, kailangan mong magbigay ng pansamantala o ng “susunod na pinakamahusay” na kaluwagan.
Espesyal na mga programa at mga sirkumstansiya para sa pabahay
Sa ilalim ng Alituntunin, ang espesyal na mga programa ay pinapayagan na tumulong sa isang grupo ng mga tao na nasa kawalan batay sa mga dahilan sa Alituntunin, habang ang mga programang ito ay tumutugon sa mga pangangailangan na itinatakda ng Alituntunin. Kabilang sa mga halimbawa ang pagse-set-up ng mga pabahay na dinisenyo para sa mas matatandang mga tao, mga taong may mga kapansanan o mga istudyante ng unibersidad na may mga pamilya.
Kailan hindi naaangkop ang Alituntunin (Code)
Ang Alituntunin ay hindi naaangkop sa kaso ng isang hindi pagkakasunduan o “personality conflict” sa iyong kasero o iba pang nanungupahan na hindi kaugnay sa isang dahilan ng Alituntunin, o kung ang isang nangungupahan ay nakikipagsosyo ng kubeta o kusina sa may-ari o sa pamilya ng may-ari.
Ikaw ay maaring magpasulong ng mga karapatang pantao sa pabahay
Ang mga tagapagbigay ng pabahay ay maaaring gumawa ng ilang mga hakbang upang mapigilan ang diskriminasyon at panliligalig at matugunan ang mga karapatang pantao sa pinauupahang pabahay sa pamamagitan ng paggawa ng:
- mga polisang laban sa diskriminasyon at laban sa panliligalig
- mga plano para sa pagbalik-aral at pag-aalis ng mga hadlang
- mga pamamaraan para sa pagtugon sa mga kahilingan para sa kaluwagan (accommodation)
- mga pamamaraan para mabilis at mabisang paglutas ang mga pagtatalo
- mga programang pang-edukasyon at pang-pagsasanay.
Mahalagang siguraduhin na ang pang-organisasyong mga patakaran, mga polisa, mga pamamaraan, mga proseso ng paggawa ng desisyon at kultura ay hindi gumagawa ng mga hadlang, at hindi magiging sanhi ng diskriminasyon. Kabilang sa mga lugar na kung saan ang mga hadlang ay maaring umiral ay sa listahan ng paghihintay at kriterya ng pagiging karapat-dapat, at mga patakaran ng pag-ookupa pati na ang mga polisa sa bisita at mga kinakailangan sa silid-tulugan.
Sumunod sa mahalagang mga prinsipyo ng mga karapatang pantao:
- disenyo na nagpapabilang – na nangangahulugan na pag-iisip ng mga maaring mga pangangailangan sa kaluwagan ng mga tao bago mo gawain ang disenyo ng iyong gusali, magtakda ng mga patakaran, atbp., upang ang iyong pabahay ay hindi maging sanhi ng mga bagong hadlang
- kilalanin at tanggalin ang mga umiiral na mga hadlang
- mapataas ang integrasyon – na nangangahulugan nang pagse-set-up ng pabahay at mga programa na nagpapabilang, na kung saan ang lahat ay maaring makilahok
- tingnan ang mga pangangailangan ng mga indibidwal at isaalang-alang ang posibleng pinakamabuting solusyon
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga karapatan at mga tungkulin ng kasero at nangungupahan sa pinauupahang pabahay, tingnan ang Polisa sa mga Karapatang Pantao at Pinauupahang Pabahay (Policy on Human Rights and Rental Housing) ng Komisyon ng mga Karapatang Pantao ng Ontario (Ontario Human Rights Commission). Ang polisang ito at iba pang impormasyon ng OHRC ay makikita on-line sa: www.ohrc.on.ca